Addressing the menace of redscare, redbaiting and red herrings
visited *loading* times
Ang internet at blogs bilang larangan ng tunggalian sa pagitan ng rebolusyon at reaksyon
(Sagot kay Teo S. Marasigan)
Isang sanaysay ang inilabas kamakailan sa blog na Kapirasong Kritika. Maraming sinulat ang awtor na si "Teo S. Marasigan" na nagpakilalang "progresibo" kung saan inatake niya ang mga progresibong may "pagkukulang" daw sa "paglantad" sa reaksyunaryong katangian ng internet, at nangahas na sabihing:
"Hindi ako sang-ayon na palaganapin ng mga progresibo ang pagba-blog. Maglako tayo ng progresibong mensahe, hindi ng midyum lamang na bagamat tila walang pulitika ay dominado sa aktuwal ng mga kalaban ng pulitika ng pagbabago."
Ang taliba ng rebolusyonaryong kilusan, ang Partido Komunista ng Pilipinas, ay may tinatawag na Philippine Revolution Web Central. Ito ay nagsisilbing daluyan ng propaganda ng rebolusyonaryong kilusan pangunahin sa mamamayang Pilipinong may koneksyon sa internet, sa mas midya at sa sinumang interesadong malaman ang mga nagaganap sa lumalargang rebolusyon.
Bago ito, ang mga negosyador ng Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas ay nagmamaksimisa na ng email para magpakalat ng mga pahayag nito sa iba't ibang mga usapin, bagay na sinundan din naman ng iba't ibang mga rebolusyonaryong samahan. Nitong mga huling taon, ang mga pahayag ni Ka Roger ay napapakalat na rin sa email.
Kapuri-puri ang mga hakbang na ito ng mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon, sa pangunguna ng Partido, na samantalahin ang bilis ng internet sa pagpapatagos ng subersibong mensahe, ng pagpapaabot ng mapagpalayang pananaw, ng pagbangga sa reaksyunaryong mga ideya.
Isa ring larangang pinaglilingkod ng presensya ng PKP sa internet ang relasyong internasyunal ng rebolusyong Pilipino.
Di man sinasabi ng diretsahan -- walang pormal na deklarasyon na baka naman siyang hinahanap ni Marasigan -- pero ipinakita ng Partido at kilusan ang kapasyahan nitong huwag ibigay ng buo sa reaksyon ang internet, na gamitin ito sa maksimum na paraang ligtas para sa rebolusyonaryong adhikain. (Pwede rin naman siyang mag-email din sa information bureau ng PKP at PDP para sa kanyang mga katanungan pero di niya ginawa.)
Isang pundamental na aralin sa Marxismo na ang mga bagay ay umuusbong at nabubulok din. Dominante ngayon sa internet ang reaksyon dahil likha din nga nila ito. Sa katunayan, kung inaral nga talaga ni Marasigan ang kasaysayan ng internet, mababanggit niya ang mas kasuklam suklam na reyalidad na ang gulugod o ubod ng internet ay ang sinaunang computer network ng militar ng Estados Unidos, at lumawak lamang nang makita ng industriya, akademiya at mga gobyerno ang mas malaking silbi nito sa pag-unlad.
Ang direksyon ng internet ay patungo sa progreso, alinsunod sa linyang anti-imperyalista, sosyalista at komunista. Walang ibang patutunguhan ang kapitalismo, kahit sa internet, kundi ang paglikha ng sariling kaaway na tatalo rito. Habang inilalarga ng kapitalismo ang paglawak ng internet, inaarmasan nito ang mga mamamayan ng isang bagong medium at bagong dagdag sa arsenal sa digmaang pang-ideolohiya.
Isang malaking pagkakamali kung gayon na manawagan kung gayon na bitiwan ng mga rebolusyonaryo at progresibo ang internet.
May iba pang Marxistang aral ang nilabag o kinalimutan ni Marasigan sa kanyang sulatin.
Wala pa namang mayor na pagbabago sa pagturing ng Partido sa mga uri sa ating bayan. Nariyan ang mga uring anakpawis -- manggagawa at magsasawa -- na nasa unahan at masel ng rebolusyon. Nariyan pa rin, at hindi pa rin inaalis, ang progresibong uring petiburges. Kasunod ang patriyotikong uring pambansang burgesya. Alinsunod sa linyang makauri, pinapanawagan sa mga kasama na samantalahin ang hidwaan sa pagitan ng mga naghaharing uri para tumabo ng ganansya at reporma para sa mamamayan.
Sa panulat ni Marasigan, nabago ang linyang makauri at nakalimutan ang Requirements of the Revolutionary United Front. (Buti na lang at may presensya ang PKP sa internet kaya madaling makukuha at mababasa ang dokumentong ito.)
Sa ubod: Tungkulin ng mga progresibo at rebolusyonaryo na hamigin at kabigin ang petiburges sa landas ng rebolusyon. Tungkulin natin na akitin sila sa lahat ng posibleng paraan palayo sa reaksyon. Hindi dapat sila hayaang kainin ng buo ng reaksyon dahil ikakatalo ito ng rebolusyon.
Ayon pa kay Marasigan, dapat daw maging kritikal ang mga progresibo at rebolusyonaryo. Pero paano nga ba ang dapat na postura o paninindigang kritikal? Nais ba niyang magdeklara ng pormal na digma ang PKP sa internet? Paanong di-kritikal ang mga kasamang nasa internet? Ipapanawagan ba ng kilusan dapat na wasakin ang internet? Kailangan bang ipamukha sa mga reaksyunaryo na sila ay reaksyunaryo? Kung paano dapat maging kritikal -- kung paano sa aktwal ito dapat maganap -- ay di tinuran ni Marasigan.
Tama si Marasigan sa pagsasabing dominado ng reaksyon ang internet. Pero hanggang doon lang.
Mali at walang sapat na batayan ang pagsasabing may kakulangan sa kritikal na pananaw hinggil dito. May mga masang organisasyong nagsusulong ng progresibong pananaw hinggil sa internet at teknolohiya. Naghuhumiyaw ang kanilang kritika sa paggamit ng internet sa pagkalat ng pananaw na kolonyal, komersyal at mapanupil na hangarin at patakaran. Higit pa rito, sangkot ang kilusan sa isang dakilang proyekto: ang aktwal na paggamit ng internet sa mapagpalayang layunin, sa pagpopropaganda, sa pagtunggali sa reaksyon -- anong pagkakritikal pa ang hihigit sa praktika?
Sa totoo lang, positibo sa progresibong hanay at rebolusyonaryong kilusan ang paglaganap ng mga blogs. Naibubudyong kasi sa mga petiburges ang rebolusyonaryong mensahe at mga progresibong panawagan. Naihahamig at napapakilos alinsunod sa linya ng rebolusyon. Nababawasan at nalalantad din ang dominasyon ng reaksyon sa sarili nitong larangan. Natuturuan ang mga petiburges, salamat sa mga progresibong blogs, na tumangan ng makauring paninindigan. Nagbubukas ito ng mga pagkakataon para sa kanilang pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos.
Kung tutuusin pa nga, mas malaking espasyo ang bukas sa internet kumpara sa telebisyon at radyo. Sa internet, maaaring makapagtayo ng website o blog sa ilang segundo o minuto lamang. Mas kapaki-pakinabang ito sa kilusan.
Isa pang tinuran ni Marasigan ang isyu ng seguridad. Dapat talagang maging maingat ang lahat ng progresibo at rebolusyonaryo dahil walang awa ang mga puwersa ng reaksyon, lalo na sa ilalim ng mga rehimeng Arroyo at Bush. Di talaga dapat maliitin ang lambat ng paniniktik na maaaring kasinglaki at kasinglawak ng internet.
Pero ibang usapin na ang pagbanggain ang usapin ng seguridad sa kapasyahan ng rebolusyonaryong kilusan na magkasa ng pinakamalawak na hayag na kilusan. Ang hayag na kilusan ay dapat pa ring manatiling hayag. Ang ligal na katangian ng hayag na kilusan ay kapwa delikado at may benepisyo sa mga aktibista. Kailangang mag-ingat, totoo, pero hindi kailangang magtago at ihiwalay ang sarili sa masa.
Tungkulin ng mga kasama na biguin ang paniniktik at panunupil, at huwag magpadaig dito. May mga pagkakataong kailangang mag-lie low kung may grabeng paniniktik at panunupil, lalo na kung nakalabas na ng tuluyan ang buong pangil ng estado. Pero ibang usapin ang bahag ang buntot at di-wastong pagtantya sa internet bilang larangan sa hayag at lihim na kilusan. May mga pagkakaiba sa operasyon ng dalawa, at may pagkakapareho. Parehong may pag-iingat pero ang hayag na kilusan ay dapat manatiling hayag hangga't kaya ng sitwasyon.
Totoo namang may dossier ang kaaway hinggil mga aktibista, pero tinutunggali ito ng kilusan bilang isang pagkakamali, isang malahalimaw na paglabag sa mga kalayaang sibil. Hindi porke may dossier, dapat nang magtago sa kuweba. Ilantad at biguin ang layon ng mga dossier. Itanghal ang ligal at hayag na kilusan ng mamamayan.
Halimbawa: Hindi kasalanan ng mga minartir na mga unyonista o aktibisyang estudyante na sila ay mga hayag na aktibista. Kasalanan ba nila na mag-Friendster o Facebook? Hindi. Hinding-hindi. Katangian nila ang pagkaligal bilang mga hayag na aktibista. Ang dapat puruhan ng sisi sa pagpaslang at panunupil ay ang mga namamaslang at nanunupil. Pinapatay sila, pinapatay di dahil sa tayo ay may presenya sa internet kundi dahil ang dominanteng uri ay may layunin at kapasyahang patayin at supilin tayo. Meron o walang internet, nandiyan ang panunupil eh.
Bilang panghuli, hinihikayat ko ang lahat ng mga progresibo sa mga lunsod at bayan, at sa ibayong dagat, na samantahin ang mga puwang sa internet. Gamitin natin ito para sa progresibo at rebolusyonaryong adhika. Ibudyong natin sa internet ang pananaw para sa pagbabago hanggang ang lahat ng bayan at bansa. Ariin natin ang internet bilang bagong larangan ng pakikihamok, bilang bagong dagdag sa arsenal ng rebolusyon sa pakikipagtunggali sa reaksyunaryong kilusan.
Ang ipinagtataka ko lang, di naman sapilitan ang panawagang ganito. Pero kung seryoso si Marasigan sa kanyang paniniwala laban sa blogs, di ko siya pipigilang busalan ang sarili kung isasara niya ang sariling blog nang hindi naman siya sinusupil ng reaksyon. Nakakalungkot lang kung mangyayari iyon para sa isang petiburges na intelektwal na nagpakilalang progresibo.

today
November 2007
October 2007
May 2007
April 2007
October 2006
August 2006
June 2006
May 2006
April 2006