Addressing the menace of redscare, redbaiting and red herrings
visited *loading* times
Hindi maikakaila ang popularidad ni Manuel L. Quezon III (MLQ3) sa "blogosphere" at sa mga talakayang pulitikal sa internet. At, oo, maging sa hanay ng mga aktibista ay maraming mga tumatangkilik sa kanyang blog sa iba't ibang mga dahilan. Tinaguriang pa ngang "favorite bourgeois blogger" ng isang prominente ding batang lider ang historian bilang pakutyang tugon sa kanyang pagtukoy bilang "favorite communist blogger" sa isang aktibistang manunulat.
Kaya naman hindi iilan ang nadismaya sa kanyang entry na What we've learned: the National Democrats, na may link sa artikulo niyang Why most Filipinos don't care that Leftists are being killed. Hindi naman dahil sa dati siyang malapit sa mga aktibista o malapit ang paninindigan at pagsusuri niya sa lipunan, kundi, marahil, para sa ilan, ipinakita ng arikulo ang matinding bias ni Quezon laban sa Kaliwa, na dati rati'y hindi ganoon katatas na isinasatitik o hindi pa malaganap na nababasa.
(Dati nang iwinasto ni Quezon ang kanyang pagtatangi sa mga aktibista bilang "komunista" bilang tugon sa komento ni Mong na ito ay maglalagay sa pahamak sa mga aktibista lalo na sa panahon ng matinding represyong pulitikal. Mula noon ay "National Democrats" na ang piniling kataga ni Quezon para tukuyin ang mga aktibista - isa pang dahilan para sa pagkagulat ng ilan sa pagtatanggal ng kanyang "liberal" na postura at lantad na pagtutukoy ni Quezon sa mga "komunista" sa kanyang artikulo.)
Sinong hindi nababahala?
Hindi naman talaga lantarang anti-kaliwa ang mga katagang isinatitik ni Quezon sa kanyang akda. Gaya ng isang "iskolar" o "obhetibong" kolumnista, sinikap na matamisan na parang kendi ang kontra-pulang akda. Pero hindi nito kinayang pagtakpan ang mapait na kaibuturan ng mensahe.
Sa artikulong Why most Filipinos don't care that Leftists are being killed, magsisimula si Quezon sa paglalahad na maraming pinapatay na Komunista at mga manunulat sa Pilipinas at, oo, may "ilang mga taong" nababahala sa pamamaslang na tumatarget hindi sa mga rebeldeng may armas kundi sa mga pumipiling makipagbuno sa ligal na pulitikal na pamamaraan.
Pero sa umpisa pa lamang, makikita na marahil isa nga sa mga hindi nababahala ay si Quezon. Nakalimutan niya, marahil sa sobrang pagdidildil sa pag-aaral ng kasaysayan, na hindi lang naman ngayon pinapatay ang mga nasa ligal at lehitimong pakikibaka, matagal ng target ng mga asasinasyon, noong pa mang panahon ni Cory, ang mga aktibista.
Ang kapansin-pansin sa kasalukuyan ay ang walang kapantay na dami at dalas, at pagiging garapal ng mga kaso. Nakalimutan niyang idiin, sa pagmamadaling ibungad ang kanyang anti-komunistang damdamin, na aabot sa kagilagilalas na bilang ang extra judicial killing na lapas 600 simula 2001 at lagpas 300 dito ay mga lider pampulitika.
Para matuto, magtanong ng tama
Ang tanong ni Quezon: bakit hindi nababahala ang karamihan?
Hindi mawari kung saan nakuha ni Quezon ang kanyang tesis (isang sikreto marahil ng mga kolumnista, na gawing "patanong" na para bang given fact ang sa totoo'y kanilang mga puntong gustong sabihin at patunayan) na hindi nababahala ang karamihan ng mamamayan sa pagpaslang. Samantalang sa pagdampot lamang ng kanyang "paboritong pahayagan" na Philippine Daily Inquirer, makikita na ang malawak na interes na inilalaan sa usapin. Ilang araw sa isang linggo, ang tutok ng balita ay ang mga kaso ng pamamaslang. At dahil dito'y napilitan na ngang maghabi ng sari-saring kwento ang pamahalaan para lamang mapagtakpan ang pananagutan nito sa usapin.
Si Amado Doronilla, isang kolumnista sa parehong dyaryro, kaiba kay Quezon (na kolumnista din sa PDI), ay naghahayag na ang usapin ay maaaring umabot na sa puntong kasinghalaga ito ng Garci controversy. At hindi rin katulad ni Quezon, ibinubunton nito ang turol sa pangarap ng rehimeng magpaka-diktador. Ang usapin din ay bibitbitin na bilang isang mayor na usapin sa kaso ng impeachment na ihahapag ng minorya sa kongreso sa Hulyo, gayundin, hindi maikakaila ang malakas na suportang internasyunal sa paglaban sa pamamaslang.
Ang ating natutunan sa mataas na paaralan, upang matuto, kailangan matutong magtanong. Pero upang matuto ng tama, kailangang tanungin ang tamang mga tanong.
Hindi ba't ang dapat tanugin ay kung bakit umaabot sa ganitong desperasyon ang gubyerno? Kung bakit may patakaran ng pagpaslang sa mga di-armado? Kung bakit napakaraming namamatay sa isang lipunang tinuturingang "malaya" at "demokratiko"? Kung bakit tila mga asong ulol at mga bampirang uhaw sa dugo ng mga kalaban nito sa pulitika (komunista man o hindi, matatandaan ang kaso ng Erap 5) ang rehimeng Arroyo?
Ang mga natutunan (mula kay Palparan)
Matapos ang pagtatanong, ang paglalahad ng kanyang "mga natutunan": sa simpleng pagsusuma, ang dahilan ni Quezon kung bakit wala siyang (o ang karamihan, kung ating pagkakatiwalaan ang kanyang pagtaya) nadaramang matinding pagkabahala, ay dahil sa, sa kanyang mga kataga, "ang mga nabubuhay sa patalim, namamatay sa patalim," kasabay ng pagsasabing ang mga "Komunistang" ligal, na nagsasagawa ng mga teach-in sa skwela ay pareho rin ang pinag-aaralan sa mga tagabundok. Na maraming sinalanta ang pag-"purga" ng mga Komunista, na marami ng "pinagdusahan" ang mga Pilipino sa mga Komunista.
Kulang na lamang ay sabihing ang lahat ng mga aktibista -- rebeldang nasa bundok, mangaggawa, magsasaka, estudyante, guro, pari, abugado, mamamahayag, halal na kongresista, konsehal, mayor --- ay mga halimaw at mga salot: mga "aral" na maaaring mapulot sa magdamag na pakikinig sa radio program ni Jovito Palparan at kanyang mga berdugong nakamotor at naka-hood.
Tama ang sinabi ng isang kaibigang kolumnistang si Teo Marasigan, sa kanyang paglalarawan sa mga ang mga anti-Kaliwa:
"Para sa mga taong ito, ang mga komunista ay hindi pwedeng umiral sa lipunang demokratiko at hindi rin pwedeng gumamit ng mga umiiral na batas. Una sa kanila ang pagiging anti-komunista, hindi ang pagiging taguyod ng demokrasya o batas. Katulad ng mga relihiyosong papatay ng mga hindi naniniwala sa Diyos, matatanggap lamang nila ang pagpapahayag kung hindi nito hahamunin ang itinakda nilang hangganan nito. Kahit pa ang ipinaglalaban ng isang grupo ay kalubusan ng demokrasya at ng diwa ng batas."
Pero sa artikulo niyang ito, hindi si Quezon ang kanyang tinutukoy kung hindi si National Security Adviser Norberto Gonzales. Habang may mga panahong tinutunggali ni Quezon si Gonzales, marahil sa usaping ito, nasa iisang panig sila.
Mga aral sa pakikipagkaisa
Sa kanyang blog entry din, isa sa mga isinisisi niya sa kawalan ng malawak na pagkakaisa laban kay Arroyo ang aniya'y pagiging "sobrang agresibo" ng Kaliwa. Hindi natin malaman kung anong "miting" ang naupuan ni Quezon, pero makikita sa mga kaganapan noong nakaraang taon ang pagsisikap ng kaliwa na umabot sa pinakamaraming grupo para sa kampanyang pagpapatalsik.
Kung tutuusin, nawiwili na nga ang mga aktibista sa pagrarali sa mga "ligtas" o "hindi komprontasyunal" na mga pinagdarausan ng protesta gaya ng EDSA, Ayala, Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda simula noong Hunyo na pinansin din ni Doronilla na unti-unti nang ibinabalik sa tarangkahan ng Mendiola ngayong Mayo Uno. Matapos ang ilang malalakihang mga "street party," aniya, ang tradisyong ito ng kaliwa ng militanteng paglaban, higit sa lahat, ang nagbibigay ng pangamba sa rehimen.
Hindi maunawaan ang konklusyong ito, kasabay ng pagbanggit na ang pamamaslang sa mga aktibista, sa pakiwari ni Quezon ay nagpapaluwag sa pagkakasundo ng iba't ibang mga grupo. Una, wala namang nakikitang signipikanteng pagkakaisa ng iba't ibang mga grupo sa kasalukuyan, kung mayroon man, kailangang tanungin kung ang mga pagkakasundo ay may pinatutunguhan, at pangalawa, kailangang ikwento kay Quezon na ang pangunahing kumilos para sa pangunguna sa "malawak na mga pagkakaisa" sa maraming pagkakataon ay ang kaliwa din. Sa tuntungan ito ng simpleng katotohanan na ang pinakamalaki sa mga nakakapagpakilos sa lansangan sa mga sustinido, mulat at organisadong kilusang masa ay ang kaliwa din naman.
Sa pag-aatubiling birahin ang kaliwa, nakalimutan ni Quezon na tanungin at suriin ang dahilan kung bakit nga ba ginagawa ito bilang pambansang patakaran ng rehimen. Hindi lamang dahil "natural" na lamang na patayin ang mga aktibista dahil "salot" sila, hindi rin dahil sa nasa "pagrurok ngayon ng siklo ng pamamaslang" gaya ng sinasabi ni DOJ Sec. Gonzalez. Hindi rin dahil sa (ayon kay Quezon) wala ng signipikanteng paglakas ang kaliwa at ang tanging nalalabing gawin ay patayin ang mga kasalukuyang natitira. Matagal ng sinasabing tatapusin ang kaliwa pero hindi naman kailanman nagtagumpay ang gubyerno. Kundi, pangunahin, dahil ngatog ang tuhod sa pangamba ang rehimeng Arroyo na sa pangunguna ng kaliwa sa malakas na kilusang masa ay mapatalsik ito. Kaya para dito, isa sa mga huling baraha na sa tingin niya ay tatapos sa gulugod ng kilusang protesta laban sa kanya ang pagdurog sa kaliwa.
Tiyak na wala ring panahong magbunyi si Quezon kung ipagpapalagay na mapaatras o malipol ni Arroyo ang kaliwa sapagkat oras na ito ay mangyari, parang maning pupulutanin ni Arroyo ang mga "panggitna" kagaya nilang walang sinasandigang kilusang masa, sila ang siguradong isusunod ng ilusyunodang reynang nagmamala-diktador. Walang susuksukan silang nasa "gitna" kundi ang pagkompromiso sa rehimen o paglaho sa mukha ng pulitika. Patunay niyan ang walang pagsantong pagtortyur sa mga tagasuporta ni Estrada, at sustinidong pagbira kina Cory at sa iba pang oposisyon sa iba't iba pang pamamaraan. Kaya naman walang dahilan si Quezon at ang mga kagaya niyang "panggitna" na hindi mabahala.
Sa huli, kumabig ang kolumnista at itinuon ang atensyon sa trahedya ng Wowowee, sa pagnanais magdiin sa mensaheng: ang ating desperasyon din ang pumapatay sa ating mga kapwa at sarili. Sa kaso ngayon ni Quezon, hindi desperasyon kundi ang kanyang anti-kaliwa at peti-burgis na mga bias at nosyon ang naglalagay ng dugo sa kanyang mga kamay sa walang pakundangang mga pagpaslang sa progresibong hanay. ###

today
November 2007
October 2007
May 2007
April 2007
October 2006
August 2006
June 2006
May 2006
April 2006